Friday, February 13, 2015

Sa Kabataang Filipino

Dr. Jose Rizal
(Salin ni Virgilio S. Almario)

Tema - Sumupling ka, O! kiming bulaklak!

Taas ang noong kinis,
Kabataang Filipino! Ito'y araw
Para lalong rumikit
Ang talinong marangal,
Magandang pag-asa ng aking bayan!

Bangon, dakilang henyo,
At sa marangal na muni'y tigibin,
At isulong nang todo,
Mas mabilis sa hangin
Tungo l'walhati ang birheng isipin.

Dalhin ang maliwanag
Na sining at agham sa paglalaban,
Kabataan, iwasak
Sa kadenang makapal
At tali sa henyong pampanulaan.

Tingnan, may sonang init
Sa lumang dilim; koronang Espanyol
Na napuspos ng rikit
At kamay na marunong,
May handog sa lupang indiong sumibol.

Ikaw, na umimbulog
Sa bagwis ng malusog na pantasya,
Pa-Olimpong kilos,
Ang tula'y ipanatang
Masarap kaysa nektar at ambrosya;

Ikaw, tugtuging banal,
Karibal ni Filomena sa lamyos,
Na sa himig sabayan
Kung gabing mairog,
Ibsan ang mortal ng parusang kirot;

Ikaw, na pumipintig
Sa tigas ng bato ang mapag-isipan
At may henyong marikit
Ang malusog na kamay
Sa pagtatatak ng kawalang-hanggan;

At ikaw, may engkanto
Ni Febo, mahal ni santong Apeles,
At may damit ng mundo,
Ang pinsel mo'y magmadyik
At isalin sa mga basyong sahig;

Sulong! Henyo mo'y alab
Sa ipuputong na koronang lawrel,
Ang trompang tagahudyat
Ng Fama'y tataginting
Sa pangalang dapat tingalain

Araw, araw ng tuwa,
Mutyang Filipinas, sa lupain mo!
Sa basbas ng bathala,
Masuyong sumaiyo
Ang mabuting palad at konsuwelo.